Pag-aralan at
isipin nating mabuti kung ano ang mga tanda (ayat) ng
ating Dakilang Tagapaglikha at makakamtan lang natin ang tagumpay at kaligtasan
at kapayapaan sa pagsunod sa Lumikha sa atin na walang halong pag-aalinlangan
at may tunay na pananampalataya at paniniwala.
Kung tunay at totoo kang naniniwala sa ating nag-iisang Tagapaglikha, kinakailangan
na tayo’y sumunod sa Kanyang batas. Kung
papaano ang tao ay sumasailalim ng Likas na Pagsunod, simula pa ng isilang ng
Ina at siya ay nakasalig sa pagpapala at pag-gabay ng Allâh سبحانه وتعالي . Sa panahong ito, siya ay hindi sumusuway sa
lahat ng kautusang itinakda ng Diyos sa kanya hanggang sa sapitin niya ang
kakayahang magpasya.
Sa bahaging
ito ng buhay ng tao ay nasa ilalim ng tinatawag na “FITRAH” na ang
kahulugan ay Likas na pagsunod ng tao sa kalooban ng Diyos (Natural inclination
of man to obey God). Ang estadong ito sa
ilalim ng “FITRAH” ay hindi mawawala, ngunit maaaring malihis, malayo
o maligaw. Sa dahilang ang bata ay wala
pang lakas at hindi pa wasto ang kaisipan at talino upang pumili at magpasya
ayon sa kanyang sariling kagustuhan, siya ay sunud-sunuran lamang sa lahat ng
nais gawin ng kanyang mga magulang, o mga taong nag-aruga at nagpalaki sa
kaniya. Ang mga tao sa kanyang paligid
ang siyang may kakayahang akayin siya sa tama o maling landas ng pagsamba at
paniniwala.”
Magkagayon, kung ang isang tao ay mabubuhay ng nag-iisa at lumaking malayo sa anumang sibilisasyon at likas na pagsunod na mamumuhay siyang sumasamba sa nag-iisang Diyos na sa kaniya ay Lumikha. Kailanman ay hindi mangyayaring siya ay maging isang Hudyo, Kristiyano, o isang Pagano (tulad ng Hindu o Buddismo). Katiyakan na ang kanyang sasambahin ay ang nag-iisang Diyos na may likha ng Langit at Lupa at ng lahat ng mga nilikha. Sapagkat, ito ang kanyang Likas na relihiyon. Ito’y sapagkat, ang kanyang “FITRAH” (Likas na Pagsunod) sa Diyos ay hindi nabahiran ng maling katuruan. Tulad din ng katawan ng bata o ng tao, sa simula ay nagpapasakop sa mga batas na itinakda ng Allâh سبحانه وتعالي
Ganoon di naman, ang kanyang puso at kaluluwa ay nagnanais na tumalima, sumunod at magpasakop sa Allâh سبحانه وتعالي . Ngunit, ang kanyang mga magulang o mga tagapag-alaga ay pinalaki siya at tinuruan na sumunod sa kanilang kinagisnan na paniniwala at sila na mga magulang ang nagdesisyon para ito’y maging mananampalataya sa pamamagitan ng pagpapabautismo, pagbinyag at pagkumpil. Ang mga paniniwalang ito ay turo at utos lamang ng tao, at hindi utos o binigyan autoridád ng ating Dakilang Tagapaglikha.”
Kaya’t sa paglaki ng bata, ang
relihiyon na kanyang sinusunod ay hindi piniling kusa, bagkus ang relihiyon na
gawa at turo lamang ng kanyang mga magulang o kapwa. Sa sandaling sapitin na ng tao ang wastong
gulang at kaisipan, at kanya ng malaman ang tama sa mali , dapat na niyang alamin ang
buong katotohanan. Nararapat siyang
pumili at magpasiya ayon sa sariling kalooban at kaisipan. Tungkulin niyang piliin at sundin ang tunay
na relihiyon na ibinigay ng Allâh سبحانه
وتعالي ,
ang pagpapasakop lamang sa Kanya. Sa
kalagayang ito, siya ay sasailalim na sa “Kusang-Loob na Pagsunod” (willful
obedience), sa ating nag-iisang Diyos na wala ng iba pa kundi, ang Allâh سبحانه وتعالي
Kung papaano din hinirang ng Allâh سبحانه وتعالي bilang kahuli-huliang Sugo na si Propeta Muhammad
سورة الروم
فَأَقِمْ وَجْهَكَ لِلدِّينِ
حَنِيفًا فِطْرَةَ اللَّهِ الَّتِي فَطَرَ النَّاسَ عَلَيْهَا لَا تَبْدِيلَ
لِخَلْقِ اللَّهِ ذَلِكَ الدِّينُ الْقَيِّمُ وَلَكِنَّ أَكْثَرَ النَّاسِ لَا
يَعْلَمُونَ (30)
Banal na Qu’ran (Surah Ar-Rum [30]:30
30 - Kaya’t ituon mo (O Muhammad) ang iyong
mukha (alalaong baga, ang iyong sarili) tungo sa Pananampalataya (na dalisay,
ang Islam) na nahihilig sa katotohanan. (Kumapit at manatili ka) sa Fitrah
(ang likas na damdamin ng paniniwala at pagsamba sa tanging Isa at Panginoon) ng
Allâh, na sa gayunding (konsepto) nito (Fitrah) ay Kanyang nilikha ang
(lahat) ng mga tao. Walang anumang pagbabago ang marapat (na mangyari) sa Khalq-illah
(alalaong baga, hayaang ang mga tao ay manatili sa kanilang Fitrah sa
loob ng pananampalataya, Islam). Ito ang Tuwid na Pananampalataya, datapuwa’t
ang karamihan sa mga tao ay walang kaalaman.
..................................................................................................................................................................
Samakatuwid, dalawang klase
ang pangsunod sa Allâh سبحانه
وتعالي ,
ang “Likas na Pagsunod”, at ang “Kusang-loob
na Pagsunod”. Ang lahat na
nilikha ay nasasakop o sumasailalim ng “Likas na pagsunod”. Walang sinumang
nilikha ng Allâh سبحانه
وتعالي ang maaring tumanggi at sumuway sa Kanyang kautusan. Maraming halimbawa na nakikita natin sa ating kapaligiran at maging sa
mundong ibabaw na kagaya ng mga ito:
SUNRISE ارتفاع
الشمس
SUNSET غروب
Ang araw ay
binigyan ng Allâh سبحانه وتعالي ng kautusan na sumikat at lumubog sa oras na itinakda
sa kanya. Gayundin, ito ay manatili sa
lugar na itinalaga sa kanya. Ito ay
hindi dapat lumapit o lumayo kahit bahagya man sa mundo at kanyang tungkulin
ang magbigay liwanag, init, at iba pa. At dahil dito ang Araw ay
nasasakop sa tinatawag na “Likas na pagsunod” sapagka’t kanya namang
ginagampanan ang kautusang ito ng Allâh سبحانه وتعالي nang walang pagsuway simula pa nang ito ay likhain. Ganoon din naman ang hangin, tubig, apoy,
hayop at iba pa, ay nilikhang lahat ng Allâh سبحانه وتعالي na may kani-kaniyang utos na sinusunod. Sa literal na pananalita, sila ay nasa ilalim
ng “Likas na pagsunod.” Ganoon din
naman, sila ay literal ding matatawag na mga Muslim sapagka’t ang Muslim ay
yaong sumusunod sa utos ng Allâh سبحانه وتعالي at tanging Siya lamang ang pinag-uukulan
ng pagsamba. Dapat din nating mabatid na
ang isang tunay na Muslim ay hindi yaong nagsasabi na siya ay isang Muslim o
ipinanganak sa bansang Muslim, at hindi rin yaong mga tao na ang mga magulang
ay Muslim. Hindi ito ang pagkakakilanlan
sa isang tunay na Muslim, at hindi ang mga ito ang magiging basihan upang
tawaging isang Muslim ang isang tao.
Maging siya man ay may hawak na Berdeng Iqama sa lugar ng bansang Arabo.
Ang Kusang-loob na pagsunod ng nilikha sa mga kautusan ng Allâh سبحانه وتعالي ay pagsunod ng may pagpapasiya. Maari
siyang sumunod o hindi; siya ay may layang magpasiya ayon sa kaniyang nais. May
dalawang uri sa mga nilikha ng Allâh سبحانه وتعالي ,
ang pinagkalooban Niya ng “layang pumili at magpasiya” ayon sa kanilang
sariling kagustuhan. Ito ay ang Jinn[1] at Tao.
Ang sumusunod na kusa sa mga kautusan ng Allâh سبحانه وتعالي ang matatawag na Muslim, Muslim sa diwa ng tunay na pagtalima
sa utos ng Diyos, hindi pinilit bagkus ito ay kusa. Kaya, gaya
ng aking nasabi, ang malayang kaisipan na iyan ay
gamitin natin sa tamang pamamaraan. Huwag tayong hihiwalay sa mabuting aral, at
pakinggan nating mabuti ang salita ng karunungan. Kapag nasumpungan natin ang katotohanan,
kaalaman, at unawa, pahalagaan natin ang mga ito at huwag pabayaang
mawala. Sapagkat, ito ang magsisilbing
gabay upang ang buhay na pinahiram sa atin ng ating Dakilang Tagapaglikha ay
magkaroon ng kabuluhan at diyan din natin matatanong mismo sa ating sarili kung
bakit tayo ay nilikha. Itanong din natin
sa ating sarili kung ano ba ang magiging relasyon natin sa Allâh سبحانه وتعالي , at
kung ano din ba ang relasyon Niya sa atin.”
Iyan ang pinaka-mahalaga sa buhay natin kung bakit tayo nilikha at kung
saan tayo pupulutin pagdating ng araw o sa kabilang buhay.”
Ang
pagkilala natin sa Allâh سبحانه وتعالي
at ang pagnanais nating sumamba ay likas na nakaakibat sa buhay ng tao. Subali't ang pagnanais na sumamba ay
maaaring ikapahamak ng tao kung hindi
maaakay sa tamang landas. Ang
pananampalatayang batay lamang sa damdamin ay lubhang mapanganib. Maraming pangkat at maging mga kulto ang
nag-aangkin na sila ay pinapatnubayan ng isipiritu, o ng Diyos, o ng
Kapahayagan. Gayunpaman, ang mga pangkat
na ito ay may paniniwalang magkakaiba at magkakasalungat. Nakakatagpo din tayo ng mga taong kumikilos
sa magkakasalungat na paraan gayong kapuwa sila nag-aangkin na ang kanilang
ginagawa ay ayon lamang sa Kalooban ng Diyos.
Marami sa kanila ang nagsasabi: "Nararamdaman ko na ang ispiritu ay
pumapatnubay at nag-aakay sa akin".
Nararapat lamang na ang pinagmulan ng Kapahayagan ay
kapani-paniwala. Sa buong kasaysayan,
ang Allâh سبحانه وتعالي ay pumili ng mga natatanging tao upang
ipahayag ang Kanyang mensahe, tumanggap ng Banal na Kapahayagan at
magpakitang-halimbawa sa mamamayan.
Ang ilan sa mga Propetang ito ay binigyan ng
Banal na Kasulatan na nagpapahayag ng kautusan at patnubay ng Allâh سبحانه
وتعالي .
Karamihan sa inyo ay inyong kilala ang mga pangalan ng mga Propetang ito
na nababanggit sa Banal na Qur'an: Noah, Abraham, Ismael, Isaac, Moises, David,
Solomon, Juan Bautista, Hesus at ang panghuli si Propeta Muhammad (Nawa'y
sumakanilang lahat ang kapayapaan). Ang
mga propetang ito ay nagdala ng magkakatulad na mahalagang mensahe. Ating matutunghayan sa Banal na Qur'an:
سورة الأنبياء
وَمَا أَرْسَلْنَا مِنْ
قَبْلِكَ مِنْ رَسُولٍ إِلَّا نُوحِي إِلَيْهِ أَنَّهُ لَا إِلَهَ إِلَّا أَنَا
فَاعْبُدُونِ (25)
Banal na Qur’an (Surah Al-Anbiya [21]:25)
25 – Walang Propeta na isinugo na nauna sa iyo (O Muhammad)
na hindi Namin binigyan ng mensahe: 'Walang diyos maliban sa Akin (Allâh),
samakatuwid sambahin ninyo Ako'.
.............................................................................................................................................................
Gayon din,
ang Banal na Qur'an ay lagi ng inuulit-ulit na tawaging mga Muslim ang lahat ng
Propeta sapagkat ang Muslim ay isang taong sumusuko sa Kalooban ng Allâh سبحانه وتعالي . Ang kanilang mga tagasunod
ay mga Muslim din. Kaya naman, isang
saligan ng pananampalataya para sa isang Muslim ang maniwala sa lahat ng mga
Propetang ito. Sa katunayan, ang mga
Muslim ay binabalaan na kung sinuman ang tumanggap ng ilan sa mga Propeta at
hindi paniwalaan ng iba ay para na ring itinakwil silang lahat. Sa Islam, ang paniniwala kay Moises habang
itinakwil si Hesus o Muhammad ay paglabag sa mismong aral ni Moises. Ang paniniwala kay Hesus habang
di-pinaniniwalaan si Moises o Muhammad ay labag sa pangaral na itinayo nina
Moises, Hesus at Muhammad. Sa Islam, ang
paniniwala kay Muhammad at pagtalikod kay Moises o Hesus ay labag sa Banal na
Qur'an.
سورة النساء
إِنَّ الَّذِينَ يَكْفُرُونَ بِاللَّهِ وَرُسُلِهِ وَيُرِيدُونَ أَنْ
يُفَرِّقُوا بَيْنَ اللَّهِ وَرُسُلِهِ وَيَقُولُونَ نُؤْمِنُ بِبَعْضٍ وَنَكْفُرُ
بِبَعْضٍ وَيُرِيدُونَ أَنْ يَتَّخِذُوا بَيْنَ ذَلِكَ سَبِيلًا (150) أُولَئِكَ
هُمُ الْكَافِرُونَ حَقًّا وَأَعْتَدْنَا لِلْكَافِرِينَ عَذَابًا مُهِينًا (151)
Banal na Qur’an (Surah Al-Nissa [4]:150-151)
150 – Katotohanan, ang mga hindi
sumasampalataya sa Allah (mula sa lipon ng mga Hudyo at Kristiyano) at sa
Kanyang mga Sugo at nagnanais na gumawa ng pagtatangi-tangi sa pagitan ng Allah
at ng Kanyang mga Sugo (sa pamamagitan nang pananalig sa Allah at hindi
paniniwala sa Kanyang mga Sugo) na nagsasabi: “Kami ay nananampalataya sa iba
(alalaong baga, sa ilan sa mga Propeta) subalit (kami rin) ay nagtatakwil sa
iba,” at nagnanais na magpatibay ng isang daan sa pagitan ng paniniwala at
di-paniniwala.
151 – Sa katotohanan, sila ay mga (tunay
na) hindi nananampalataya; at Aming inihanda sa mga hindi sumasampalataya ang
kaaba-abang kaparusahan.
.............................................................................................................................................................
Ang pagtanggap ng lahat ng Propeta ay
isang saligan ng panananampalataya at ito ay hindi isang pagpapakita lamang ng
pitagan sa kapuwa o pagpapahayag ng pakikibagay. Ako ay umaasa na sa pamamagitan ng bukas na
isipan, bukas na puso at maingat at matapat na pag-aaral, maaaring magkaroon pa
ng higit na pagkilala sa bawa't magkabilang panig ng pananampalataya.
ANG MGA PANANAGUTAN AT
KALIGTASAN
المسؤوليات والنجاة
Napag-usapan
natin ang tungkol sa Allâh سبحانه وتعالي ,
ang tungkol sa Tao at ang kanilnag ugnayan sa isa't-isa. Ano naman ang
pananagutan? Paano mapaglalabanan ng tao ang kasalanan sa puntong pananaw ng Islam? Ang Banal na Qur'an ay nagsasabi
na ang buhay ay pagsubok at ang buhay sa mundo ay pansamantala lamang.
سورة الملك
الَّذِي خَلَقَ الْمَوْتَ
وَالْحَيَاةَ لِيَبْلُوَكُمْ أَيُّكُمْ أَحْسَنُ عَمَلًا وَهُوَ الْعَزِيزُ
الْغَفُورُ (2)
(Surah Al
Mulk 67:2)
2 – Siya na lumikha ng kamatayan at buhay upang masubukan
Niya kung sino sa inyo ang pinakamahusay sa gawa (asal at pag-uugali), at Siya
ang Sukdol sa Kapangyarihan, ang Lubos na Mapagpatawad.
..................................................................................................................................................................
Ang Muslim
ay naniniwala na mayroong gantimpala at parusa. Siya ay naniniwala na mayroong
kabilang-buhay. Gayun din, siya ay naniniwala na ang parusa at gantimpala ay
hindi nangangahulugan na kailangan munang maghintay hanggang sa Araw ng
Paghuhukom, bagkus ang parusa at gantimpala ay Kanyang naigagawad sa sinuman
Kanyang naisin dito sa ibabaw ng lupa.
Siya ang Maalam at Mahabagin. Ang Muslim ay naniniwala sa Pagbangong
Muli, Pananagutan at Araw ng Paghuhukom.
Sa isang Muslim, ang pag-asam na maging perpekto upang makamtan ang
kaligtasan ay hindi praktikal. Ang ganitong pag-asam ay hindi kailanman
mangyayari at hindi makatuwiran. Ang Islam ay nagtuturo sa tao na maging
mapagkumbaba sa kanyang Tagapaglikha lamang at ang maaring pagtanto na ang
kaligtasan ay hindi makakamit lamang sa pagkamatuwid.
Kung ating
pag-aaralan ang kaligtasan, ito ay napakadaling tahakin: Sapagkat tayong
mga tao lamang ang siyang mapagmalaki sa ating Panginoon, ang Lumikha sa
atin. Dahil ipinagkaloob na Niya ang
lahat ng patnubay at maging ang tamang pamamaraan sa kaligtasan. Nguni’t tayo ay nagsawalang bahala,
nagmatigas at ating isini-isang tabi ang lahat ng ibinabang patnubay at tanda. Sadyang
mas higit na pinahalagahan ng tao ang pagnanasa sa mga makikinang na
bagay dito sa mundo kaysa sa takot na sasapitin
natin pag-tumambad sa atin ang pangakong Kaparusahan.
Tunay na ang kaligtasan ng sinuman
sa atin ay wala sa sinumang nilalang o sino pa mang tao. Ito ay nakasalalay lamang sa ating kagustuhan
o taos pusong hangarin kasama higit sa lahat ay – kung ano ang nasa Kalooban ng
Allâh سبحانه وتعالي para sa atin.
Ating alalaanin ang Allâh سبحانه وتعالي
ang Siyang Maalam, Maawain, puno ng Habag, puno ng
Pamamaraan at sagana ng Pagpapatawad.
Sumasang-ayon ka ba sa ilang mga nabanggit na Katangian ng iyong
nag-iisang Tagapaglikha, na iyong Diyos?
Marahil ngayon palang nagkakaroon kana ng pagtatanong, dahil alalaanin
ang oras at ang panahon. Kaya hindi
bukas, sa makalawa at lalong hindi ang saka nalang. Bakit?
Ang iyong kaligtasan ba ay ipagkakatiwala mo sa salitang “bahala
na o saka nalang”.
Matatanggap mo rin ba na ito ay walang pagtigil at paghinto, sa halip
ito ay tuwirang tuloy-tuloy hanggang ang ating buhay ay magwawakas. Ang paghinto sa pagtahak ng kaligtasan
ay parang isang pagsuko para sa ating kapahamakan. Katotohanang habang may buhay may
pag-asa. Isang pag-asang dapat
pag-ukulan ng pagtitiyaga, panahon at pagkilos o pagganap. Dahil, kung wala ang mga ito ay huwag kang
magtaka kung wala kang natatamong pag-asa.
Katotohanang lahat ng tao ay walang maipangangatuwiran sa kanilang Diyos
na Tagapaglikha. Sapagkat hindi siya
(Ang Allah) nagnais ng ating ikapapahamak sa halip tayo ang gumawa nito at
naghanap. Tunay, makatotohanan at walang
pag-aalinlangan ang lahat ng ibinaba Niyang pagpapaalaala at tanda. Siya ay nagsabi sa Banal na Qur’an:
سورة النساء
وَمَنْ يَعْمَلْ سُوءًا أَوْ يَظْلِمْ نَفْسَهُ ثُمَّ يَسْتَغْفِرِ
اللَّهَ يَجِدِ اللَّهَ غَفُورًا رَحِيمًا (110)
Banal na Qur’an (Surah An-Nissa [4]:110)
110 – At
sinuman ang gumawa ng masama o nagbigay-kamalian sa kanyang sarili, at matapos
ito, ay humanap ng kapatawaran ng Allâh; kanyang matatagpuan na ang Allâh ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.
ذَلِكَ الْيَوْمُ الْحَقُّ فَمَنْ شَاءَ اتَّخَذَ إِلَى رَبِّهِ
مَآَبًا (39) إِنَّا أَنْذَرْنَاكُمْ عَذَابًا قَرِيبًا يَوْمَ يَنْظُرُ الْمَرْءُ
مَا قَدَّمَتْ يَدَاهُ وَيَقُولُ الْكَافِرُ يَا لَيْتَنِي كُنْتُ تُرَابًا (40)
Banal na Qur’an (Surah An-Naba [78]:39-40)
39 – Ito ang Araw ng Katotohanan (na
walang alinlangan), kaya’t sinuman ang magnais, hayaang tahakin niya ang
Pagbabalik sa tuwid na landas ng kanyang Panginoon (sa pamamagitan ng pagsunod
sa Kanya sa buhay sa mundong ito)!
40 – Katotohanang Aming binalaan kayo ng
nalalapit na daratal na Kaparusahan. Sa
Araw na ang tao ay makapagmamalas (sa gawa) ng kanyang mga kamay kung saan siya
inihantong. At ang hindi sumasampalataya
ay magsasabi: “Kasawian sa akin! Sana ay naging alabok na lamang ako!”
Ang isa
pang makabagbag-damdaming talata sa Banal na Qur’an ay nagsasabi:
وَأَقِمِ الصَّلَاةَ طَرَفَيِ النَّهَارِ وَزُلَفًا مِنَ اللَّيْلِ
إِنَّ الْحَسَنَاتِ يُذْهِبْنَ السَّيِّئَاتِ ذَلِكَ ذِكْرَى لِلذَّاكِرِينَ (114)
وَاصْبِرْ فَإِنَّ اللَّهَ لَا يُضِيعُ أَجْرَ الْمُحْسِنِينَ (115)
Banal na
Qur’an (Surah Hud [11]:114-115)
114 – At
ikaw ay mag-alay ng Salah (takdang pagdarasal) nang ganap, sa
dalawang dulo ng maghapon at sa ilang oras ng gabi (alalaong baga, ang limang
takdang pagdarasal sa maghapon). Katotohanan, ang mabuting gawa ay nakapapalis
ng masamang gawa (alalaong baga, ang mga maliliit na kasalanan). Ito ay
paala-ala (isang tagubilin) sa mga may pagmumuni-muni (na tumatanggap ng payo).
115 – At
maging matiyaga, katotohanang ang Allâh ay hindi magpapawalang-saysay sa
gantimpala ng mga mapaggawa ng kabutihan.
سورة الأعراف
وَاكْتُبْ لَنَا فِي هَذِهِ الدُّنْيَا حَسَنَةً وَفِي الْآَخِرَةِ
إِنَّا هُدْنَا إِلَيْكَ قَالَ عَذَابِي أُصِيبُ بِهِ مَنْ أَشَاءُ وَرَحْمَتِي
وَسِعَتْ كُلَّ شَيْءٍ فَسَأَكْتُبُهَا لِلَّذِينَ يَتَّقُونَ وَيُؤْتُونَ
الزَّكَاةَ وَالَّذِينَ هُمْ بِآَيَاتِنَا يُؤْمِنُونَ (156)
Banal na
Qur’an (Surah Al Araf [7]:156)
156 – At ipagkaloob Ninyo sa amin ang mabuti sa mundong ito at sa Kabilang Buhay.
Katiyakang kami ay nagbabalik-loob sa Inyo.”
Siya (Allâh) ay nagwika: “Ang Aking kaparusahan, - binibigyang-sakit Ko
nito ang sinumang Aking maibigan, datapuwa’t ang Aking itatalaga ang (Habag) na
ito sa Muttaqun
(mga matimtiman at matutuwid na mananampalataya sa Allâh), at magbibigay ng Zakkah (katungkulang kawanggawa); at sa kanila na nananalig sa
Aming Ayat (mga
katibayan, aral, tanda, kapahayagan, atbp.).
...................................................................................................................................................................
Maliwanag
ba?!, kasing-liwanag ng araw bilang
isang tanda (ayat). Kung
papaano Siya tumatanglaw sa sanlibutan na nagbibigay ng tanglaw upang tayo ay
makakita at makakilos ng mainam. Ganoon
din naman ang Kanyang “init” na isang tanda. Kung papaano ang Kanyang “init” ay ang
ibibigay na Kaparusahan.
Katotohanan! Ang lahat ng tao ay may kaalaman sa kaligtasan
at kung ano ang mga pamamaraan. Sapagkat
itanong mo man sa tao kung papaano ang kaligtasan, ito ay may kusang pagbigkas
ng ating mga bibig. Kahit walang
pagdidikta ng ating puso at ito ay ang salitang pagsisisi. Ganon ka-simple, ngunit hindi ito
nanggagaling sa puso. Tunay ang
pagsisisi ay isang paghahangad.
Paghahangad ng kapatawaran.
Ang Islam ay tuwirang nagtuturo ng tamang pagsisisi. Isang paghahangad para sa kapatawaran, at ang
bawat Muslim ay humihingi ng kapatawaran sa tuwina. Magkagayon alam nila (na bawat Muslim) ang
kanilang kasalanan na pinagsisihan ay may kaakibat na kaparusahan. Kung kaya’t sila ay naghahangad ng maibigay
ito dito pa lang sa ibabaw ng lupa bago pa man dumating ang Araw ng Pagsusulit
o Paghuhukom. Ang haligi ng Islam na
siyang pinagkaloob ng Allâh سبحانه
وتعالي ay
nagdudulot ng malaking inplikasyon para sa taong naghahanap ng kaligtasan. Maraming ipinagkaloob na talata ang Allâh سبحانه وتعالي sa Banal na Qur’an na magbibigay patnubay
para sa kaligtasan ng tao kaya matakot tayo, sumunod at magpasakop sa Kanya at
Siya lamang ang makapagliligtas sa atin.
[1] JINN – Isang uri na
nilikha ng Allâh mula sa Apoy. Hindi natin sila nakikita sa likas nilang anyo.
Katulad ng tao, sila rin ay may kalayaang sumunod o sumuway, kaya naman,
mayroon din silang pananagutan sa kanilang gawa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento