Ang bansang walang
kinikilalang Diyos, at ang tahanan na walang kinikilalang Ama, at ang pamayanan
na hindi iginagalang ang lider, at ang isang bansa na ang Pinuno ay masama, ang
lahat ng ito ay mapupuno ng kaguluhan.
Ngunit, mapalad ang taong sumusunod sa “Kautusan”. Higit sa lahat, manalig ka sa nag-iisang Diyos. Siya ang nagbibigay ng tunay na hustisya sa
mga inaapi. Igalak mo sa Kanya ang iyong suliranin at ipagkatiwala mo sa Kanya
ang lahat. Manampalataya kang Siya ay kikilos para sa katotohanan.
Ganoon din ang ating mundong
inaapakan. Ang ating sandaigdigan (universe). Na ang lahat ng mga nilikha ay merong isang
namamahala at Siya (Allâh سبحانه وتعالي )
ang nasusunod. Meron din Siyang batas na
pinapairal na dapat sundin ng Kanyang mga nilikha, at ito ay ang ISLAM. Ano ang ibig sabihin ng Islam? Tunay na mahalaga na
bigyang-diin na ang katagang Islam ay hindi hinango sa pangalan ng ninumang
tao, lahi, o anumang pook. Ang paggamit
ng "Mohammedanismo" ng ilang mga manunulat ay itinuturing ng Muslim
na isang masakit na paglapastangan sa pinakadiwa ng Islam. Si Propeta Muhammad
[saw] ay hindi
sinasamba at hindi itinuturing na nagtatag ng Islam. Ni hindi siya ang may akda ng Banal na
Qur'an.
Ang katagang Islam ay nababanggit sa
maraming pahina ng Banal na Qur'an. Ito
ay hinango sa salitang-ugat na Arabik na "Salam"
na nangangahulugan ng kapayapaan o pagsuko. Kaya naman, ang kahulugan ng Islam ay ang
pagtamo ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagsuko ng sarili sa Kalooban ng Allâh سبحانه وتعالي
Ang tinutukoy na pagsuko rito ay ang
sadyang matapat, mapagmahal at mapagtiwalang pagsunod sa Kalooban ng Allâh سبحانه وتعالي ;
ang buong pagtanggap ng Kanyang Pagpapala at pagtahak ng tamang landas tungo sa
Kanya.
Sa ganitong pananaw, ang katagang Islam
ay hindi itinuturing ng Muslim bilang isang pagbabago noong ika-pitong siglo sa
pagdating ni Propeta Muhammad [saw]. Bagkus
ito ay itinuturing na batayan ng misyon ng lahat ng mga Propeta sa buong
kasaysayan at lahat sa kanila ay may pagbati ng “Salam”.
Ang pandaigdigan na misyon na ito ay
nagwakas at binigyan ng kaganapan ng Allâh سبحانه وتعالي kay
Propeta Mohammad [saw] na siyang pinakahuli sa mga Propeta (Nawa'y
sumakanilang lahat ang kapayapaan).
Ang Allâh سبحانه وتعالي ay
nagsasabi:
سورة الأنبياء
إِنَّ هَذِهِ أُمَّتُكُمْ أُمَّةً وَاحِدَةً وَأَنَا رَبُّكُمْ
فَاعْبُدُونِ (92) وَتَقَطَّعُوا أَمْرَهُمْ بَيْنَهُمْ كُلٌّ إِلَيْنَا
رَاجِعُونَ (93)
Banal na Qu’ran (Surah Al-Anbiya [21]:92-93)
92 -
Katotohanan! Ito (Islam) ang inyong Relihiyon (at ng lahat ng mga Propeta), at
ang inyong Ummah (Bansa o Pamayanan) ay isang relihiyon, at Ako ang
inyong Panginoon, kaya’t tanging Ako lamang ang sambahin ninyo.
93 - At sila (ang sangkatauhan) ang sumira at
nagbubukud-bukod ng kanilang relihiyon. (At) silang lahat ay muling magbabalik
sa Amin.
..................................................................................................................................................................
Kung ating babasahin
at pag-aaralan ang paglalang sa mundo, may makikita ba tayong paliwanag sa
kahanga-hangang sandaigdigan?
Mayroon bang
kapani-paniwalang kahulugan ang lihim ng buhay?
Batid na walang nabuong pamilya na mahusay ang pamumuhay kung walang
responsableng pinuno; walang lungsod na
mananatiling maunlad kung walang matatag na pamamahala; walang bansang mamalagi
kung walang pamunuan. Batid din na
walang bagay na nabubuhay sa sarili nito lamang. Pagmasdan mo ang kabilugan ng
mundo kung papaano ito ay nakalutang.
Alam din natin na ang sandaigdigan ay nananatili at gumagalaw sa
pinakamaayos na paraan, at ito’y patuloy na namamalagi ng napakahabang panahon.
Masasabi ba natin na ang lahat ng ito’y
hindi sinasadya? Maidadahilan ba natin
na ang pananatili ng tao at ng buong sandaigdigan ay nagkataon lamang? Ang tao ay maliit na bahagi lamang ng kabuuan
ng napakalaking sandaigdigan.
Kung ang tao ay nagpaplano at kanyang pinahahalagahan
ang kabutihan ng pagpaplano, sa makatuwid, ang sarili niyang buhay at ang
pamamalagi ng sandaigdigan ay batay din sa nakaplanong patakaran.
Ito ay nangangahulugan ng may isang Kalooban
na nagpaplano sa ating pananatili, at may isang pambihirang Kapangyarihan
na lumikha ng mga bagay at pinamamahagi silang kumilos ng mahusay. Dito sa daigdig, tiyak na may isang
kahanga-hangang lakas na Kumikilos
upang mapanatiling maayos ang lahat ng bagay.
Sa kagandahan ng
kalikasan, tiyak na may Dakilang Lumikha ng lumalalang sa pinakamagandang
sining at tumutustos sa lahat ng bagay na may natatanging layunin sa
buhay. Ang mga taong taos-pusong
naka-uunawa ay kumikilala sa lumikhang ito at tinatawag Siyang Allâh سبحانه وتعالي
(Diyos). Hindi Siya tao, sapagkat ang
tao ay hindi kayang makalikha ng ibang tao.
Hindi Siya hayop, ni hindi Siya halaman.
Hindi Siya idolo, ni hindi Siya istatwa.
Sapagka’t isa man sa mga ito ay hindi malilikha ang sarili o ang ano pa
man. Siya ay iba sa lahat ng mga ito. Siya ang Lumikha at Tagapanustos sa lahat ng
ito. Ang lumikha ng anumang bagay ay
tiyak na kakaiba at nakahihigit sa mga bagay na Kanyang nilikha.
Maraming paraan upang makilala natin ang
Allâh سبحانه وتعالي (Diyos), at maraming bagay na masasabi tungkol sa Kanya. Ang
mga kahanga-hanga at kagila-gilalas na bagay sa mundo ay tulad ng bukas na Aklat
na kung saan mababasa ang tungkol sa Allâh.
Bukod dito, ang Allâh سبحانه وتعالي ang tumutulong sa atin
na makilala Siya sa pamamagitan ng mga isinugong Propeta at mga Pahayag at
Tanda (Ayat) na Kanyang pinadala sa tao.
Ang mga Propeta, Pahayag at mga Tanda (Ayat) na ito ay nagtuturo
ng lahat na dapat nating malaman tungkol sa Kanya. Ang lubusang pagtanggap sa mga aral at
patnubay ng Allâh سبحانه وتعالي na
ipinahayag kay propeta Muhammad
[saw] ay siyang kabuuan ng relihiyong Islam. Sa Islam, ipinag-uutos ang paniniwala sa
Kaisahan at Kapangyarihan ng Allâh سبحانه وتعالي na nagbibigay sa tao
ng kaalaman sa kahulugan ng sandaigdigan at sa kanyang bahagi nito. Ang
paniniwalang ito ay nagbibigay sa kanya ng laya sa lahat ng pangamba at
pamahiin sa pamamagitan ng laging paggunita sa Makapangyarihang Allâh سبحانه وتعالي at ang tungkulin ng
tao sa Kanya.
Ang pananampalatayang ito ay dapat subukan sa
gawa. Ang paniniwala ay hindi sapat. Ang paniniwala sa Diyos (Allâh سبحانه وتعالي) ang
nangangailangan ng pagtanaw sa sangkatauhan bilang isang pamilya sa ilalim ng
kapangyarihan ng Allâh, ang Lumikha at Tagapanustos at Sandigan ng lahat. Labis na tinatanggihan ng Islam ang kuro-kuro
na may mga natatanging tao. Ang
paniniwala sa Allâh سبحانه
وتعالي at
paggawa ng mabuti ang tanging landas patungo sa langit. Kaya’t ang tuwirang pakikipag-ugnayan sa
Allâh سبحانه وتعالي ay naisasagawa na hindi kailangan pa ang
tagapamagitan.
Ang ISLAM (الإسلام) ay hindi bagong
relihiyon. Ito rin ang mensahe at patnubay na ipinahayag ng Allâh سبحانه وتعالي sa lahat ng mga
isinugo Niyang propeta. Ang ilan sa
kanila ay sina: Adam, Noah, Abraham, Ismael, Isaac, David, Moises, at Hesus
(sumakanila nawa ang kapayapaan).
Nguni’t ang mensahe na ipinahayag kay propeta Muhammad
[saw] ay pagtukoy sa Islam sa malawak, ganap at
pangwakas na anyo. Ang Qur’an ang huling
Kapahayagan ng Allâh سبحانه وتعالي at ito ang saligang pinagkukunan ng aral at batas Islamiko.
Ang BANAL NA QUR’AN (القرآن) ay nagbibigay
ng batayan sa lahat ng bagay: “pananampalataya, kagandahang-asal, kasaysayan ng
sangkatauhan, pagsamba, kaalaman, karunungan, ugnayan ng tao at Diyos, at
ugnayang pangkapwa-tao. Sa malawakang
pagtuturo nito ay naitatayo ang matatag na paraan sa panlipunang katarungan,
karunungang pangkabuhayan, pamahalaan, batasan, hurisprudensiya, at batas sa
pakikipag-ugnayang pandaigdigan.”
Ang AHADEETH (احاديث) ay mga aral, salita
at gawa ng propeta Muhammad [sas] na maingat na inipon at iniulat ng kanyang mga
matapat na kasamahan. Ang Ahadeeth ay
nagpapaliwanag at nagbibigay detalye sa mga pahina ng Banal Na Qur’an.
Mga Pangunahing Paniniwala sa Islam:
Ang tunay at matapat na Muslim ay naniniwala sa mga sumusunod na
pangunahing saligan ng pananampalataya.
Siya ay naniniwala sa iisang Diyos (Allâh سبحانه وتعالي),
ang Kataas-taasan at walang Hanggan, ang Makapangyarihan, Mahabagin at
Madamayin, ang Lumikha at Tagapanustos, ang Sandigan ng lahat. Sila (mga Muslim) ay naniniwala sa lahat ng
tunay na propeta ng Allâh سبحانه وتعالي na walang
pagtatangi-tangi. Bawa’t lahi ay nagkaroon
ng Tagapagbabala o Propeta mula sa Diyos.
Sila ay pinili ng Allâh سبحانه وتعالي upang turuan ang
sangkatauhan at upang ipahayag ang banal na mensahe. Ang Banal Na Qur’an ay nagsasaad ng mga
pangalan ng dalawampu’t limang (25) propeta na nagsuko ng kanilang sarili sa
Kalooban ni Allâh سبحانه وتعالي. Si Propeta Muhammad [saw] ay panghuling propeta. Ang dalawampu’t limang (25) propeta ay
sina: Adam, Idris, Noah, Hud, Salih, Lut,
Ibrahim, Isamail, Ishaq, Yaquub, Yusuf, Shu’aib, Haruun, Mosa, Dawoud,
Sulaiman, Ayyub, Zul-kifl, Yunus, Elias, El-Yasa, Zakariyya, Yahya, ‘Isa at ang
pinakahuli sa kanila ay si Muhammad [saw] (Sumakanila nawa ang kapayapaan).
سورة المائدة
إِنَّا أَنْزَلْنَا التَّوْرَاةَ فِيهَا هُدًى وَنُورٌ يَحْكُمُ
بِهَا النَّبِيُّونَ الَّذِينَ أَسْلَمُوا لِلَّذِينَ هَادُوا وَالرَّبَّانِيُّونَ
وَالْأَحْبَارُ بِمَا اسْتُحْفِظُوا مِنْ كِتَابِ اللَّهِ وَكَانُوا عَلَيْهِ
شُهَدَاءَ فَلَا تَخْشَوُا النَّاسَ وَاخْشَوْنِ وَلَا تَشْتَرُوا بِآَيَاتِي
ثَمَنًا قَلِيلًا وَمَنْ لَمْ يَحْكُمْ بِمَا أَنْزَلَ اللَّهُ فَأُولَئِكَ هُمُ
الْكَافِرُونَ (44)
Banal na Qu’ran (Surah Al-Mā’idah [5]:44)
44 – Katotohanang Aming ipinanaog ang Torah
(ang mga Batas na ibinigay kay Moises), naririto ang patnubay at liwanag, na sa
pamamagitan nito ang mga Propeta na nagsuko ng kanilang sarili sa Kalooban ng Allâh
ay humatol sa mga Hudyo. At ang mga Rabbi
at mga pari (ay humatol rin sa mga Hudyo sa pamamagitan ng Torah [mga Batas]
makaraan ang mga Propetang ito), sapagkat sa kanila ay ipinagkatiwala ang
pangangalaga sa Aklat ng Allâh (ang Torah), at sila ay mga saksi
rito. Kaya’t sila ay huwag ninyong
katakutan (sa pagpapatupad ng Aking Batas), datapuwa’t Ako ay inyong pangambahan
at huwag ninyong ipagbili ang Aking Ayat (mga Talata) sa murang
halaga. At sinuman ang hindi humatol
(magpatupad ng Batas) ayon sa kapahayagan ng Allâh, sila ang Kafirun (mga hindi
sumasampalataya).
..................................................................................................................................................................
Ang tunay na Muslim ay naniniwala sa
Kasulatan at Pahayag ng Allâh سبحانه وتعالي .
Ito ang mga patnubay na natanggap ng mga
Propeta upang ipakita sa sangkatauhan ang tamang landas tungo sa Allâh سبحانه وتعالي . Ang Banal Na Qur’an ay may
natatanging pagbanggit sa mga Kasulatan nina: Abraham, Moises, David, at Hesus
(sumakanila nawa ang kapayapaan). Bago
ipinahayag kay propeta Muhammad
[sas] ang Banal Na Qur’an, marami sa naunang mga
Kasulatan at Pahayag ang nangawala o binago ng tao. Ang tanging orihinal at buong mensahe ng Allâh
سبحانه وتعالي na
nananatili ngayon ay ang Banal Na Qur’an mula ng ito’y idatal sa sangkatauhan.
Ang Muslim ay naniniwala sa mga anghel ng
Allâh سبحانه وتعالي .
Sila ay mga ispiritu at mga kahanga-hangang nilikha na likas na hindi
nangangailangan ng pagkain, inumin o pagtulog. Iniuukol nila ang kanilang
panahon sa pagsamba lamang sa Allâh سبحانه وتعالي . Sila ay mga mararangal na
tagapaglingkod na may kanya-kanyang tungkulin na ginagampanan. Sila ay nangungusap lamang pagkatapos
magsalita ng Allâh سبحانه وتعالي , at kumikilos lamang bilang tanging
pagsunod sa Kanyang inuutos.
Sila (mga anghel) at ang Ruh (Gabriel) ay umaakyat sa
Kanya sa loob ng isang araw, na ang katumbas ay may limampung (50) taon. Ang isang (1) araw sa Poong Maykapal ay
katumbas naman ng isang libong taon sa daigdig.
Kaya’t napakahalaga ng bawat sandaling lumilipas sa buhay ng tao at kung
gaano kabilis ang takbo ng oras ay ganoon din naman kabilis kung papaano
maglalaho ang lahat ng bagay na nilikha pagdating ng itinakdang araw (Araw
ng Paghuhukom). Walang ibang
nakakaalam kung anong hiwaga ng pagkalikha natin bilang isang tao. Maging sa ating pamamahinga at sa kasarapan
ng tulog, naglalakbay ang ating diwa at isang maliwanag na himala ang
ipinagkaloob sa ating paggising. Mismo sa ating sarili ay hindi nakakatiyak
kung papaano ang susunod na pamamahinga at kung may bukas pang darating. Sapagkat alam ng tao na ang kanyang buhay
dito sa mundo ay hiram lamang. Kahit sa
panaginip ay naglalaro ang diwa ng isang tao at katotohanang ang isang gabing
pagtulog ay isang maliwanag na tanda (ayat) ng kadiliman at
kaliwanagan. Masasagot kaya natin ng
wasto sa ating sarili kung ilang oras naglakbay ang ating diwa? Hindi kaya
katumbas din ng isang libong taon’ paglalakbay?
Tanging ang Dakilang Tagapaglikha lamang ang may hawak ng buhay at
kamatayan at ipinapakita lamang Niya sa mga taong walang utang na loob kung
papaano magpasalamat. Magpasalamat
sapagkat ikaw ay muling nagising sa kasarapan ng tulog.
Ikaw ba ay marunong magpasalamat at tumanaw
ng utang na loob o nagmamadaling bumangon upang harapin ang makamundong
bagay? Hindi man lang yata sumaglit sa
isipan mong meron kang isang mahalagang tungkulin upang Siya ay iyong
alalaanin. Marunong kang magbalanse ng
oras mo sa gawaing makalupa, subali’t sa nagugutom mong kaluluwa ay hindi mo
magawang magbigay kahit konting panahon lamang.
تَعْرُجُ الْمَلَائِكَةُ
وَالرُّوحُ إِلَيْهِ فِي يَوْمٍ كَانَ مِقْدَارُهُ خَمْسِينَ أَلْفَ سَنَةٍ (4)
Banal na Qu’ran (Surah Al-Ma’arij
[70]:4)
4 – Ang mga anghel at ang Ruh
(Gabriel) ay umaakyat sa Kanya sa loob ng isang araw, na ang katumabas noon ay
limampung taon.
يُدَبِّرُ الْأَمْرَ مِنَ السَّمَاءِ إِلَى الْأَرْضِ ثُمَّ يَعْرُجُ
إِلَيْهِ فِي يَوْمٍ كَانَ مِقْدَارُهُ أَلْفَ سَنَةٍ مِمَّا تَعُدُّونَ (5)
ذَلِكَ عَالِمُ الْغَيْبِ وَالشَّهَادَةِ الْعَزِيزُ الرَّحِيمُ (6)
Banal na Qu’ran (Surah As-Sajda [32]:5-6)
5 – Siya ang namamahala (sa bawat)
pangyayari mula sa kalangitan tungo sa kalupaan; at ito (ang pangyayari) ay
pumapailanglang o umaakyat sa Kanya sa Araw (ng Paghuhukom), na ang (katumbas
ng isang araw dito) ay katulad ng isang libong taon sa inyong pagbilang
(alalaong baga, ang pagbibilang ayon sa ating pangkasalukuyang oras sa mundong
ito).
6 – Siya (ang Allâh), ang Ganap na Nakakaalam ng
lahat ng bagay na nakalingid at lantad, ang Sukdol sa Kapangyarihan, ang
Pinakamaawain.
..................................................................................................................................................................
Ang mga Muslim ay naniniwala sa Araw ng
Paghuhukom. Darating ang itinakdang
oras, ang mundong ito ay magwawakas. Wala
ng saysay ang panalangin at paghingi ng kapatawaran sa Dakilang Tagapaglikha,
sapagkat kung ano ang itinakda ang siyang katotohanang magaganap. Sa araw na ito, makikita ng mga taong
matutuwid at makasalanan kung papaano ang mundo ay mababalutan ng iba’t ibang
karumal-dumal na kasasapitan.
Hahatulan ang mga patay (walang kinikilang
Diyos) ayon sa kanilang ginawa. Kapag naparam ang lupa’t langit at hindi na
nakita pang muli, ang mga patay ay babangon upang humarap sa makatarungang
paglilitis at hahatulan ang lahat maging dakila at maging hamak.
Ang mga taong may magagandang talaan ay
mabibigyan ng masaganang gantimpala at sila’y sasalubungin sa Kalangitan ng
Allâh سبحانه وتعالي
Ang mga taong may masasamang talaan ay mapaparusahan
at itatapon sa lawang apoy ang Kamatayan at ang Hades[1]. Ang lawang apoy na ito ang pangalawang
kamatayan. Itinatapon sa lawang apoy ang
sinumang hindi naitala sa Aklat ng Tadhana (Al Lauh Al Mahfouz).
Marahil tinatanong ninyo kung anong
kinapapalooban ng paraiso at impiyerno. Nasaan nga ba ang mga ito at kanino nga ba
nakalaan ang dalawang nabanggit na bahay-kalinga? Dalawang pares na tirahan
subalit bawa’t palapag ng mga ito ay may mga pangalan. Lingid sa ating kaalaman na ang paraiso ay
may walong (8) palapág at pito (7) naman para sa impiyerno. Sa Banal na Qur’an, maka-ilang beses
binabanggit ang paraiso na kinapapalooban ng mga sumusunod:
1.
Jannat-ul Khuld – Hardin ng walang kahihiyaan, (mapag-aksaya, mapagsamantala, hindi
marunong makuntento, kasakiman, mapag-gawa ng karumal dumal, ang
ka-ignoratihan.
2.
Darus Salam – Ang tahanan ng kapayapaan.
3.
Darul Qarar – Ang walang hanggang tirahan
4.
Jannatu-Adn – Ang hardin ng mga inosente o mga walang kamalayan.
5.
Jannatul-Ma’wa – Hardin ng Tanggulan o kublihan
6.
Jannatun-Na’im – Ang hardin ng kainamang kaligayahan o ng lugod.
7.
Illiyyun - Ang mataas na lugar sa kalangitan
8.
Jannat-ul-Ferdaws – Ang hardin ng paraiso, ito ang pinakamataas at pinaka natatangi o
kaaya-ayang paraiso. Kasunod nito ang
‘Ars ur-Rahman (Throne of the Merciful).
مَا أَصَابَ مِنْ مُصِيبَةٍ فِي الْأَرْضِ وَلَا فِي أَنْفُسِكُمْ
إِلَّا فِي كِتَابٍ مِنْ قَبْلِ أَنْ نَبْرَأَهَا إِنَّ ذَلِكَ عَلَى اللَّهِ
يَسِيرٌ (22)
Banal na Qu’ran (Surah Al-Hadid
[57]:22)
22 – Walang masamang pangyayari ang
magaganap dito sa kalupaan at sa inyong sarili (kaluluwa), maliban na ito ay
naitala sa Aklat ng Tadhana (Al Lauh Al Mahfouz), bago pa Namin
pinapangyari ang magaganap. Katotohanang ito ay lubhang magaan sa Allâh
(alalaong baga, ang Qadar [kasasapitan]).
سورة آل عمران
كُلُّ نَفْسٍ ذَائِقَةُ الْمَوْتِ وَإِنَّمَا تُوَفَّوْنَ
أُجُورَكُمْ يَوْمَ الْقِيَامَةِ فَمَنْ زُحْزِحَ عَنِ النَّارِ وَأُدْخِلَ
الْجَنَّةَ فَقَدْ فَازَ وَمَا الْحَيَاةُ الدُّنْيَا إِلَّا مَتَاعُ الْغُرُورِ
(185)
Banal na Qu’ran (Surah Al-Imran
[3]:185)
185 – Ang bawat kaluluwa ay makakalasap
ng kamatayan. At sa Araw ng Muling
Pagkabuhay lamang kayo ay babayaran ng ganap. At sinuman ang inilayo sa Apoy at
tinaggap sa Paraiso, katotohanang siya ay matagumpay. Ang buhay sa mundong ito ay isa lamang pagsasaya
ng kalinlangan (isang bagay na mandaraya).
إِنَّ الَّذِينَ آَمَنُوا وَعَمِلُوا الصَّالِحَاتِ كَانَتْ لَهُمْ
جَنَّاتُ الْفِرْدَوْسِ نُزُلًا (107) خَالِدِينَ فِيهَا لَا يَبْغُونَ عَنْهَا
حِوَلًا (108)
Banal na Qu’ran (Surah Al-Kahf
[18]:107)
107 – Katotohanan, sila na sumasampalataya (sa Kaisahan
ng Allâh) at nagsisigawa ng kabutihan ay magkakaroon ng Halamanan ng Al-Firdaus
(Paraiso) bilang isang pananahanan.
..................................................................................................................................................................
Ang impiyerno ay nahahati sa pitong (7)
palapag na simula sa itaas paibabá.
Sadyang ginawa ito para sa mga zalimun (tampalasan,
makasalanan, buhong, kriminal, atbp.)
Ito ay ang mga sumusunod:
1.
Jahannam – Kung saan dito pinarurusahan ang mga may kahinaan sa
pananampalataya batay sa kanilang ginawa o batay sa talaan ng kanilang
pagkakamali o kamalian. Hanggang matamo
nila ang kanilang paglaya.
2.
Laza – Ito ang naglalagablab na apoy, hinanda para sa mga Kristiyano.
3.
Hutama – Ang apoy na kahindikhindik, hinanda para sa mga Jews.
4.
Sa’ier – Ang nagniningas na apoy ng gasolina, hinanda para sa mga Sabiano.
5.
Saqar – Hinanda para sa mga Magi o ang mga mapaggawa ng salamangka,
karunungang itim, tulad ng mga mangkukulam at manghuhula.
6.
Jahim – Hinanda para sa mga mapagsamba sa diyus-diyosan, nagtatambal sa
Diyos.
7. Hawiyah – Ang pinaka-ilalim ng impiyerno at dito ay walang makaliligtas sinuman (dadaanan muna ang lahat ng mga naunang impiyerno bago siya makaalis dito). Ito ang nababagay sa mga hipokrito, tulad ng mga gumawa ng kaplastikan, mga mapagpanggap sa ilalim ng Islam at mga mapag-balat kayong nagsasabi ng kanilang mga kaalaman tungkol sa Islam o mapag-balat kayong pananampalataya, at para din sa mga tinatawag na infidels, kawalan ng respeto sa ilalim ng Islam. Ang mga lumapastangan sa Islam lalo na sa Kaisahan ng Allah. Mga blasphemus.
...................................................................................................................................................................
Ang Muslim ay naniniwala sa tadhana,
mabuti man o masama. Ang Allâh سبحانه وتعالي ay nagbibigay sukat at
pasiya sa tadhana ng lahat na nilikha ayon sa Kanyang kaalaman at sa Kanyang
walang hanggang karunungan. Ang Muslim
ay naniniwala sa Kapangyarihan ng Allâh سبحانه وتعالي na
magplano at isagawa at ang Kanyang maibigan.
Walang magaganap sa Kanyang kaharian na salungat sa Kanyang nais.
Ang Kanyang kaalaman at kapangyarihan ay
nananatiling umiiral sa lahat ng Kanyang nilikha sa lahat ng sandali. Siya ay Maalam at Maawain, at ano man ang
Kanyang naisin ay may kahulugang layunin.
Kung ito ay mailagay sa ating mga isip at puso, tatanggapin natin ng
buong pananampalataya ang lahat ng Kanyang loobin kahit ito ay hindi natin
maunawaan ng ganap.
Ang Limang (5) Haligi Ng Islam: Sa Islam, ang
pananampalataya ng walang pagganap at kulang sa pagsasagawa ay walang buhay at
isang kahinaan. Ang pananampalataya ay
likas na sensitibo at maaring maging napakamabisa. Nguni’t sa sandaling mawalan ng kaukulang
pagganap o hindi nagagampanan, ito ay madaling mawalan ng sigla at kakayahang
mangganyak. Ang mga sumusunod ay limang
(5) haligi ng Islam:
[1] SHAHADA – (Ang Panunumpa) Isang panunumpa na hindi ginagawa
sa harapan ng kung sino pa mang nilalang.
Tanging isang ganap na panunumpa sa harapan ng Dakilang Tagapaglikha na
Siya lamang nakababatid ng tunay na nilalaman ng ating damdamin, at walang
sinumang makapasisinungaling sa Kanyang kaalaman.
لا
إله إلا اللَّه محمد رسول اللَّه
Ito ay isang Banal Na Kasunduan ng isang
nilalang sa kanyang Tagapaglikha at may tuwirang pagpapasakop.
Ito ang panunumpa na tuwirang binabanggit sa
pagsa-shahada – “Ako ay sumasaksi na walang ibang Diyos maliban sa
nag-iisang Diyos at si Propeta Muhammad ang huling propeta na sugo ng Diyos”. Sadyang napaka-simple ngunit
napaka-lalim. Para sa karagdagang
kaalaman: ito ay sinasambit ng mga Muslim tuwina ng mas marami pa sa buong
araw. Isang pagpapatunay na ang isang
Muslim ay ‘di nakakalimot sa nag-iisang Diyos.
Pagdaragdag: Naniniwala ang mga Muslim na ang kanilang buhay ay walang
katiyakan kung hanggang kailan. Kung
kaya’t malimit nilang sinasambit ang ganitong panunumpa. Sapagkat ang bawat Muslim ay nagnanais na
mamatay ng nasa panig ng Allâh سبحانه وتعالي (sa
Kanyang Kaisahan).
سورة البقرة
وَإِلَهُكُمْ إِلَهٌ وَاحِدٌ
لَا إِلَهَ إِلَّا هُوَ الرَّحْمَنُ الرَّحِيمُ (163)
Banal na Qu’ran (Surah Al-Baqarah
[2]:163)
163 – At ang inyong Panginoon (Diyos) ay Isang
Diyos (Ilah) lamang. La ilaha illa Huwa (Wala ng iba pang diyos
na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya), ang Pinakamahabagin,
ang Pinakamaawain.
[2] SALAAH – (Ang Pagdarasal). Ang pagdarasal ay isang obligasyong inihahandog
limang (5) ulit sa isang araw bilang tungkulin sa Allâh سبحانه وتعالي
Pinatitibay nito ang pananampalataya sa
Allâh at nagbibigay ito ng inspirasyon upang magkaroon ng mataas na moralidad.
Pinadadalisay nito ang puso at iniiwas
ang tao sa tuksong gumagawa ng kasamaan.
Ito rin ay nagsisilbing lakas para sa pananampalataya.
Ito ay ang mga sumusunod na takdang oras sa loob
ng isang araw:
q Salatul-Fajr (Pagdarasal sa madaling-araw)
q Salatul-Duhr (Pagdarasal sa tanghali)
q Salatul-Asr (Pagdarasal sa hapon)
q Salatul-Magrib (Pagdarasal sa takipsilim)
q Salatul-Isha (Pagdarasal sa gabi)
سورة البقرة
وَأَقِيمُوا الصَّلَاةَ وَآَتُوا الزَّكَاةَ وَارْكَعُوا مَعَ
الرَّاكِعِينَ (43) أَتَأْمُرُونَ النَّاسَ بِالْبِرِّ وَتَنْسَوْنَ أَنْفُسَكُمْ
وَأَنْتُمْ تَتْلُونَ الْكِتَابَ أَفَلَا تَعْقِلُونَ (44) وَاسْتَعِينُوا
بِالصَّبْرِ وَالصَّلَاةِ وَإِنَّهَا لَكَبِيرَةٌ إِلَّا عَلَى الْخَاشِعِينَ (45)
Banal na Qu’ran (Surah Al-Baqarah
[2]:43-45)
43 – At kayo ay mag-alay ng Salah
(takdang pagdarasal sa araw-araw) at magbigay ng Zakah (katungkulang
kawanggawa), at kayo ay magsagawa ng ruku (pagyukod) sa Salah na
kasama ang mga nagsasagawa ng Salah.
44 – Ipinag-uutos ba ninyo sa mga tao ang
Al-Birr (pagiging masunurin at mabait, kabanalan at katuwiran at bawat
isa at lahat ng gawa ng pagsunod sa Allâh) gayong kayo sa inyong sarili ay
nakakalimot (na isagawa ito) bagama’t kayo ay nagbabasa ng Kasulatan (ang Torah
[mga batas])? Hindi baga ninyo ginagamit
ang inyong mga talino?
45 – At magsihingi kayo ng tulong (sa Allâh) sa
pagiging matimtiman at matiyaga at pag-aalay ng Salah (takdang
pagdarasal). At katiyakang ito ay
mabigat at mahirap (isagawa ng iba) maliban sa Al-Khashi’un (alalaong baga, ang
mga tunay na nananampalataya sa Allâh, na sumusunod sa Kanya ng may ganap na
pagtalima, na labis na nangangamba sa Kanyang kaparusahan, at nananalig sa
Kanyang Pangako [ang Paraiso] at sa Kanyang Babala [ang Impiyerno]).
[3] ZAKAH – Ang zakah ay isang uri ng
kawang-gawa. Tulad ng Salah
(takdang oras ng pagdarasal) ito ay itinakdang tungkulin sa lahat ng
Muslim. Tinutupad ng naaayon sa
patakaran para sa pagbabayad nito.
Malinaw na ito ay isang uri ng kawang-gawa ng may itinakdang halaga o
kaukulang halaga ng kayamanan o salapi na nasa kanyang pag-iingat sa loob ng
higit sa isang taon. Ito rin ay isang pamamaraan ng Ibadah
(pagsamba at paggawa ng kabutihan) sapagkat layunin nito ang pagpapaunlad ng ispiritwal
na pamumuhay ng isang Muslim. Ang
kawang-gawa na ito na binibigay ng mga mayayaman ay nakakatulong upang ang
kanilang mga puso ay maging malinis laban sa kasakiman at karamutan. Ito ay isang pagtuturo sa tao para masanay
magbigay sa kanyang kapwa at maging ang mahihirap ay nagkakaroon ng magandang
kaisipan at mawala sa kanilang puso ang anumang inggit at selos. Pinapanatili
ng Zakah ang pag-ikot ng kayamanan sa lipunan na nagbubunga ng
pag-unlad ng kabuhayan at hanap-buhay.
Ang Zakah ay ipinamamahagi ng may makatwiran at may takot sa
Diyos. Tuwirang ipinagkakaloob ito sa
kamay ng mga dapat tumanggap. Tulad ng
kapuspalad, mahihirap o dukha, mga alipin o nakakulong, mga may pagkakautang
(hindi dahil sa kapritsohan kung di may utang dahil sa di maiwasang pangyayari
o kakulangan ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay), maging ang mga bagong
Muslim (tulong para sa kanilang pagbabagong buhay).
Ang kapuspalad at salat sa kahirapan ay
tulad ng mga biyuda o biyudo, mga matatanda, may kapansanan, walang
hanap-buhay, at mga dukha o mahihirap, tulad ng mga kakulangan sa kabuhayan
hindi sapat upang tumugon sa kanilang pangangailangan kagaya ng pagkain, damit
at gamot. Ngunit hindi sila namamalimos
o humihingi gawa ng paggalang sa kanilang sarili.
Kaya’t malinaw na ito ay may kalayuan sa
tinatawag na buwis na binabayaran ng mga mamamayan para sa
pamahalaan. Sapagkat ang buwis
na ito ay pinagnanasahan ng mga namumuno sa pamahalaan, pinagmumulan ng
pangungurakot sa lahat ng antas ng gobyerno.
Walang makatwirang pagsasakatuparan at pagpapatupad ng pamamahagi nito
kung kanino dapat igugol. Sa halip kung
sino man ang nakaupo (namamahala) ay
siyang may pag-aari ng buwis at siyang may kapasyahan o masusunod kung sino at
kung papaano niya ito igugugol.
Ngunit ang tinatawag na Zakah ng
Islamiko ay matatag at matuwirang ipinatutupad at may patnubay kung ano ang
ipinag utos ng Allâh سبحانه وتعالي kung sino at kung
papaano ito dapat gugulin. Kaya’t
malinaw para sa lahat ng Muslim na ito ay dapat ipatupad ng makatwiran at may
takot sa Dakilang Tagapaglikha.
سورة البقرة
وَأَقِيمُوا الصَّلَاةَ وَآَتُوا الزَّكَاةَ وَمَا تُقَدِّمُوا
لِأَنْفُسِكُمْ مِنْ خَيْرٍ تَجِدُوهُ عِنْدَ اللَّهِ إِنَّ اللَّهَ بِمَا
تَعْمَلُونَ بَصِيرٌ (110)
Banal na Qu’ran (Surah Al-Baqarah [2]:110)
110 – At maging matimtiman sa pag-aalay ng Salah
(takdang pagdarasal) at magkaloob ng Zakah (katungkulang kawanggawa), at
anumang kabutihan (na kinalulugdan ng Allâh) na inyong isinasagawa (sa mundong
ito), ito ay matatagpuan ninyo sa Allâh (alalaong baga, ang gantimpala).
Katotohanang ang Allâh ang Lubos na Nakamasid ng lahat ninyong ginagawa.
[4] SAWN – (Ang Pag-aayuno). Ang pag-aayuno ay isang obligasyon ng mga
Muslim sa buwan ng Ramadan, Simula sa bukang-liwayway hanggang sa takipsilim,
ang mga Muslim ay umiiwas sa pagkain, inumin at tawag ng laman.
Gayon din sila ay
pangkaraniwan ng umiwas sa mga masasamang layunin at pagnanasa sa lahat ng
buwan ng taon, lalong-lalo na sa buwan ng Ramadan. Ito ay may malaking kinalaman sa ating
pagkatao, pamumuhay, pakikipag-kapwa at higit nito sa ating ispiritwal at sa
relasyon sa ating Tagapaglikha, Allâh سبحانه
وتعالي . Sa buwan
na ito nakakaramdam ang mga Muslim ng kalam ng sikmura at pagkagutom maging
pagkauhaw. Ngunit hindi ng ating
ispiritwal na kalagayan at hindi kailanman sila ay nababagabag sa pagkagutom o
pagkauhaw nila sapagkat ito ay may patnubay. Tayo’y pinatatatag at pinalalakas
sa anumang antas, higit ng ating pananampalataya. Ito’y isang paglilinis hindi lang ng ating
katawan kundi pati ng ating ispiritwal.
Ito rin ay isang paghahanda para sa anumang mga pagsubok.
Maaaring sa iba ito ay katawa-tawa at isang kabaliwan. Ngunit, sayang! Dahil sila’y salat at mga
hungkag sa kaalaman na walang nalalaman.
سورة البقرة
شَهْرُ رَمَضَانَ الَّذِي أُنْزِلَ فِيهِ الْقُرْآَنُ هُدًى
لِلنَّاسِ وَبَيِّنَاتٍ مِنَ الْهُدَى وَالْفُرْقَانِ فَمَنْ شَهِدَ مِنْكُمُ
الشَّهْرَ فَلْيَصُمْهُ وَمَنْ كَانَ مَرِيضًا أَوْ عَلَى سَفَرٍ فَعِدَّةٌ مِنْ
أَيَّامٍ أُخَرَ يُرِيدُ اللَّهُ بِكُمُ الْيُسْرَ وَلَا يُرِيدُ بِكُمُ الْعُسْرَ
وَلِتُكْمِلُوا الْعِدَّةَ وَلِتُكَبِّرُوا اللَّهَ عَلَى مَا هَدَاكُمْ
وَلَعَلَّكُمْ تَشْكُرُونَ (185)
Banal na Qu’ran (Surah Al-Baqarah [2]:185)
185 – Ang Ramadhan ang buwan nang ipinahayag ang
Qur’an, isang patnubay sa sangkatauhan, gayundin naman ay isang maliwanag na
Tanda o Katibayan at ang Pamantayan (pamamatnubay at paghatol sa pagitan ng
tama at mali). Sinuman sa inyo na
namamalagi sa kanyang tahanan (hindi naglalakbay at nakakita ng duklay ng buwan
sa unang gabi) ay nararapat na mag-ayuno sa buwan na ito, datapuwa’t kung
sinuman ang may karamdaman o naglalakbay, (ito ay maaaring ipagpaliban) at ang
natatakdang araw (ay marapat na bayaran) sa mga darating na panahon. Ang Allâh ay nagnanais na ang mga pagsamba ay
maging magaan sa inyo; ayaw Niya sa inyo (na ilagay kayo) sa kahirapan. (Nais
Niyang) tapusin ninyo ang natatakdang araw, at luwalhatiin Siya (katulad ng
pagsasabi ng Allahu Akbar [‘Pinakadakila ang Allâh’] sapagkat Kanyang
pinatnubayan kayo; upang kayo ay
magkaroon ng damdamin ng pasasalamat sa Kanya.
[5] HAJJ – (Ang Paglalakbay sa Makkah o Pilgrimahe). Ito ay isinasagawa sa buwan ng Hajjira. Ito ay isang obligasyon ng mga Muslim ng may
makatarungan para isagawa. May
katarungan!, sapagkat hindi ang lahat ay makakagawa nito o maisasagawa ang
ganitong paglalakbay.
Makkah
Pilgrimage
Hira
Cave
Ang sino mang hindi makagawa nito ay
hindi makababawas sa kanyang pananampalataya.
Dahil ang obligasyong ito ay iniatang sa sino mang may ganap na
kakayahan at maging sa sinuman ang napahintulutan ng Allâh سبحانه وتعالي.
May mga pangangailangang dapat na gugulin
tulad ng salapi at maayos na kalusugan o may lakas ng pangangatawan. Sapagkat ito’y isang mahabang paglalakbay ng
may ilang araw. Sa ganitong pagkakataon
ang buong Muslim sa lahat ng bansa o saang dako ng mundo ay nagtitipon-tipon sa
lugar ng Makkah at dito ay itinataguyod ng may kalakasan ang Relihiyon ng
sanlibutan Ang Islam.
Isang kahanga-hangang pagtitipon ng mga
Muslim na nagpapakita ng pagkakaisa (unity) sa pananampalatayang Islam.
Nagbibigay diin ang paglalakbay na ito sa
banal na lugar ng Makkah upang bigyang alaala ang matibay na paniniwala sa Kaisahan ng Allâh سبحانه وتعالي
Ang bawat Muslim ay naghahayag ng “At
sa Iyo ay walang katambal o kaugnay.”
Lingid sa kaalaman ng mga hindi Muslim, si propeta Abraham (إِبراهيم عليه السلام) ang siyang may mahalagang bahagi ng kasaysayan sa pagsasagawa ng
Hajj.
Kung saan sa
mga lugar o pook na ito siya ay nagsagawa ng pagsamba sa tunay na nag-iisang
Diyos. Si propeta Abraham (إِبراهيم عليه السلام) ang siyang nagtayo ng unang
tahanan ng Allâh سبحانه وتعالي ,
ang Ka’bah (كعبه), bilang pinaka-sentro ng
dalanginan.
Isa ring tanda (ayat) na si propeta
Abraham (إِبراهيم عليه السلام) ang may isang mahabang kasaysayan na punong-puno
ng pagsasakripisyo at ganap na pagsuko sa Allâh سبحانه وتعالي. Kung kaya’t siya ay ginawarang maging Imam
para sa sangkatauhan dahil sa kanyang katatagan sa mga pagsubok para sa landas
ng Allâh سبحانه وتعالي
سورة البقرة
وَأَتِمُّوا الْحَجَّ وَالْعُمْرَةَ
لِلَّهِ فَإِنْ أُحْصِرْتُمْ فَمَا اسْتَيْسَرَ مِنَ الْهَدْيِ وَلَا تَحْلِقُوا
رُءُوسَكُمْ حَتَّى يَبْلُغَ الْهَدْيُ مَحِلَّهُ فَمَنْ كَانَ مِنْكُمْ مَرِيضًا
أَوْ بِهِ أَذًى مِنْ رَأْسِهِ فَفِدْيَةٌ مِنْ صِيَامٍ أَوْ صَدَقَةٍ أَوْ نُسُكٍ
فَإِذَا أَمِنْتُمْ فَمَنْ تَمَتَّعَ بِالْعُمْرَةِ إِلَى الْحَجِّ فَمَا
اسْتَيْسَرَ مِنَ الْهَدْيِ فَمَنْ لَمْ يَجِدْ فَصِيَامُ ثَلَاثَةِ أَيَّامٍ فِي
الْحَجِّ وَسَبْعَةٍ إِذَا رَجَعْتُمْ تِلْكَ عَشَرَةٌ كَامِلَةٌ ذَلِكَ لِمَنْ
لَمْ يَكُنْ أَهْلُهُ حَاضِرِي الْمَسْجِدِ الْحَرَامِ وَاتَّقُوا اللَّهَ
وَاعْلَمُوا أَنَّ اللَّهَ شَدِيدُ الْعِقَابِ (196) الْحَجُّ أَشْهُرٌ
مَعْلُومَاتٌ فَمَنْ فَرَضَ فِيهِنَّ الْحَجَّ فَلَا رَفَثَ وَلَا فُسُوقَ وَلَا
جِدَالَ فِي الْحَجِّ وَمَا تَفْعَلُوا مِنْ خَيْرٍ يَعْلَمْهُ اللَّهُ وَتَزَوَّدُوا
فَإِنَّ خَيْرَ الزَّادِ التَّقْوَى وَاتَّقُونِ يَا أُولِي الْأَلْبَابِ (197)Banal na Qu’ran (Surah Al-Baqarah [2]:196-197)
196 – At inyong isagawa nang ganap at buo
ang Hajj (Pilgrimahe) at Umrah (Maigsing Pilgrimahe) sa
paglilingkod sa Allâh. Datapuwa’t kung kayo ay nagkaroon ng sagabal (upang
magampanan ang lahat ng ito makaraang kayo ay makapagsagawa ng Ihram),
kayo ay mag-alay ng Hady (ang Hayop, tulad ng tupa, baka, kamelyo,
atbp.) ayon sa inyong kakayahan at huwag ninyong ahitin ang inyong ulo hanggang
ang inyong Hady ay hindi pa nakararating sa pook ng pag-aalay (pagkaraan
nito ay [maaari] na kayong lumabas sa kalagayan ng Ihram). At kung sinuman sa inyo ang may sakit, o may
karamdaman sa kanyang anit (na kailangang ahitin), siya (ay pinahihintulutang
hindi mag-ahit, datapuwa’t) nararapat na magbayad ng Fidya (pantubos o
panghalili, sa pamamagitan nang) pag-aayuno (ng tatlong araw), o magpakain ng
mahihirap (anim na katao) o mag-alay (ng isang tupa, sa Makkah). At kung kayo nasa (katayuang muli) ng
kaligtasan, sinuman ang magsagawa (ng Hajj At-Tamattu bilang
pagpapatuloy) ng Umrah hanggang Hajj sa buwan ng Hajj,
siya ay nararapat na mag-alay ng Hady ayon sa kanyang kakayahan (maging
isang tupa, o isang baka, o isang kamelyo), datapuwa’t kung wala siyang
kakayahan ay nararapat na siya ay mag-ayuno ng tatlong araw sa panahon ng Hajj
at pitong araw pagkauwi niya, ganap na sampung araw sa lahat-lahat. Ito ay para
sa kanila na ang mga pamilya ay hindi nakatira (sa loob ng hangganan) ng Masjid
al-Haram (Banal na Bahay-Dalanginan, [alalaong baga, sila ay hindi
taga-Makkah]). At inyong pangambahan ang
Allâh at inyong maalaman na ang Allâh ay mahigpit sa kaparusahan.
197 – Ang Hajj (Pilgrimahe) ay
(isinasagawa sa loob) ng mga bantog na buwan (alalaong baga, ang pangsampu,
panlabing-isa at unang sampung araw ng panglabingdalawang buwan ng kalendaryong
Islamiko [Shawal, Dhul Qaidah at Dhul Hijja], alalaong baga
dalawang buwan at sampung araw). Kaya’t
kung sinuman ang magpasyang magsagawa ng Hajj (Pilgrimahe, sa
pamamagitan nang pagsasagawa o pagbibihis ng Ihram, alalaong baga,
kasuutan na pang-Pilgrimahe), kung gayon, hindi marapat na siya ay
makipag-ulayaw sa kanyang asawa, at huwag gumawa ng kasalanan at huwag ding
makipagtalo nang walang katarungan sa panahon ng Hajj. At anumang mabuti ang inyong gawin, (huwag
magkaroon ng alinlangan), ang Allâh ang nakatatalos ng mga ito. At kayo ay magbaon ng inyong ikabubuhay,
datapuwa’t ang higit na mainam na baon ay Taqwa (kabutihan, kabanalan,
pangangamba at pagkatakot sa Allâh, atbp.).
Kaya’t Ako ang inyong pangambahan, O kayong mga tao na may pang-unawa!
...................................................................................................................................................................
Ang limang haligi na ito ng
pananampalataya ng Islam ay nagsisilbing gabay sa bawat isang Muslim. Ang pagsasagawa ng haliging ito ay
nangangahulugan ng pagpapasakop sa Kaisahan ng Tagapaglikha. Matutunghayan natin na walang anumang bagay
na nakakasira o ikasisira ng isang nilalang o tao sa pagsunod sa nasabing
haligi. Sa halip ito ay sadyang may
dulot na kainaman, kaginhawaan, kapanatagan o kapayapaan at kabutihan sa lahat
ng tumatanggap nito at tatanggap nito.
Muli nating himaymayin ang dulot ng bawat
isa: Sino bang mananampalataya sa buong
mundo ang sumasaksi lamang sa Kaisahan ng Diyos o Tagapaglikha? Hindi ba’t ang mga Muslim lang.” Ito ba’y may kainaman, kagandahan o walang
saysay at katotohanan? Ikaw na ang
sumagot.
Sa pagdarasal: Sino ba sa buong mundo o mga relihiyon sa
buong mundo na mananampalataya ang tumatawag ng pagsamba ng limang (5) beses sa
buong maghapon? At nagkakandarapa,
nagmamadali sa pagganap? Pilit na
ibabangon ang sarili sa madaling araw upang maglaan ng pagsamba, ang iba’y
nagmamadali pa ng pagbangon upang makahabol sa sambahan. Samantalang ang mga tampalasan ay nagmamadali
sa pagbangon upang kumita ng pera.
Pipilitin nilang ibangon ang sarili nila hindi upang magbigay ng
pagpupugay kung ‘di iniisip nila ang perang dapat nilang kitain. Sa gabi naman ang Muslim nagmamadali sa
pag-uwi para sa pagdarasal. Nguni’t ang
tampalasan nagmamadali para sa pagpapahinga.
Sa pagdarasal ang mga Muslim ay sabay-sabay sa pagpapatirapa at pagyuko
tanda ng pagpapasakop at pagpapakumbaba.
Tulad din ng ginawang pagpapatirapa ng mga naunang propeta. Sa palagay mo ang ganito bang pagdarasal ng
may pagsunod sa mga ginagawa ng mga unang propeta ay may kainaman o walang
kabuluhan? Ikaw ng sumagot.
Sino bang tagasunod o mananampalataya sa
buong mundo ang nagbibigay ng kaukulang Zakah (tungkuling kawanggawa) ng
may katampatan at may takot sa Diyos at hindi kailanman naghahanap ng anumang
kapalit at ng pagtanaw ng utang na loob.
Ang Muslim ay naniniwala na ang utang na loob ay sa Allâh سبحانه وتعالي ibinibigay, sapagkat
walang maka pagbibigay kung di Niya pahihintulutan at hindi makapagdudulot ang
magandang kapalaran ng anumang kapakinabangan sa taong pinagpala sapagkat sa
Allâh سبحانه وتعالي ito nanggagaling. Marahil naging malinaw na sa atin ang
kahulugan ng Zakah, na nagbibigay pangangalaga para sa mahihina at
mahihirap na Muslim. Kinukuha mula sa
kaban ng Zakah ang salaping gagamitin na pagtulong sa kanilang mga
mahihina at mahihirap. Dahil sila ang
pangunahing layunin nito. Bukod sa
mabuting epekto o dulot nito sa bawat taong nagbibigay katuparan ng Zakah,
higit lalong hindi nito inuuna ang anumang kapritsohan, karangyaan sa pamayanan
o lipunan na walang kabuluhan at walang kinalaman sa kapakanan ng buhay. Alalaong baga, ang Zakah ay may hatid
na magandang antas at marangal na pamumuhay maging ikaw man ay mayaman, mahirap
at dukha. Sa palagay mo ito ba’y may
kainaman o walang saysay o kapakinabangan?
Ikaw na ang sumagot.
Sa Buwan Ng Pag-aayuno, sino bang
maituturing na mananampalataya sa buong mundo o mga relihiyon sa buong mundo
ang may ganitong pagsunod. Isang buwang
pag-aayuno at pagsasakripisyo. Ang
paggising ng madaling araw upang magbigay ng pagpupugay, panalangin at
pagpapasalamat sa Kabutihan ng Allâh سبحانه وتعالي. Sa Kanyang tulong at Awa, sa paghingi ng
kapatawaran at pagsisisi. Habang ang mga
tampalasan sa buwan na ito ay mahimbing na natutulog nagbibigay pugay sa
kanilang higaan. Walang kaalaman at
utang na loob sa kanilang Tagapaglikha.
Sa pagdating ng umaga buong maghapon ang pagsasakripisyong tanging ang
Diyos at ikaw lamang ang nakakaalam ng iyong pag-aayuno, hanggang sa pagsapit ng dilim ang iyong
pagpupugay. Habang ang mga tampalasan
naman ay nagpapahinga na at muling mag-iipon ng lakas para sa kinabukasang
pagkita ng pera. Sa palagay mo ang
ganito bang Gawain ng isang mananampalataya ay may dulot na kapahamakan sa
kanyang Tagapaglikha? O’ Higit na may kapahamakan ang mga tampalasan sa
kanilang Tagapaglikha sa pagdating ng araw na Kanyang ipinangako. Ang kasawian.
Ang Paglalakbay: Sinong mananampalataya sa buong mundo o
relihiyon sa buong mundo ang may ganitong paglalakbay ng may pagtitipon para sa
Kaisahan ng Allâh سبحانه وتعالي, ang Tagapaglikha? Ito
ba’y may kainaman o walang kabuluhan?
Sa aking isinalaysay at paghihimay-himay ng
limang (5) haligi ng Islam; ito ay may hatid pang mas kakaibang mensahe. Ito ay ang pagkakapantay-pantay sa bawat
Muslim ng bawat isang mananampalataya.
Maging ikaw ay pangulo o hari, ikaw ay magpapatirapa, ikaw ay sasaksi,
ikaw ay magbibigay ng Zakah at ikaw ay mag-aayuno. Mararamdaman mo ang gutom tulad ng
nararamdaman ng mga mahihirap o naghihirap na walang makain. Maging sino ka man dadanasin mo ang hirap ng
paglalakbay sa pamamagitan ng paglalakad.
Walang sinumang makakaligtas sa pinag-uutos ng Allah, at ang ibig Niya
sumunod tayo at magpasakop. Huling
tanong magpapasakop ka ba sa Kanyang kalooban ang Naglikha sa iyo o sa kalooban
ng taong (nilikha lamang) nagdikta lamang sa iyo?
[1] HADES – Salitang
Griego na ang kahuluga’y daigdig na mga patay, katumbas ng Sheol sa wikang
Hebreo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento